Monday, April 4, 2011

Maalaala Mo Kaya

Dear Ate Charo,

Itago nyo lang po ako sa pangalang Jett. Kasalukuyan akong naninirahan sa Amerika kasama ng aking butihing maybahay at nag-iisang anak na dalaga.

Marahil magtataka kayo kung bakit isa lang ang aking anak. Katulad na rin po ng lagi kong sagot sa lahat ng nagtatanong, kung pwede sana sa iba naman. Joke lang po! Talaga lang pong ako palabiro, masayahin, at may konting kapilyuhan. Ito na rin ay bunga ng aking mga karanasan na punong-puno ng drama, katatawanan, aksyon, at kutakot-takot na romansa.

Sa murang edad na syam , ako’y nanghahalik ng ka-eskwela at nagtataas ng kanilang mga palda.

Pang-anim ako sa walong magka-kapatid. Lima ang nakatatandang lalaki at dalawang nakababatang babae. Dyan pa lang, batid nyo na kung sino ang utus-utusan at batuk-batukan sa pamilya. Ako ang naging kaagapay ng aking ina sa pagluluto at pagtitinda ng puto bibingka at iba pang kakanin sa palengke upang makaraos sa pang araw-araw na pangangailangan. Pangkaraniwang empleyado lamang ng gobyerno ang aking ama kaya hindi sapat ang kanyang kinikita. Natuto akong maghanap-buhay sa murang edad; magmula sa pagtitinda ng “ice candy” hanggang sa maglako ng meryenda tuwing anihan kapalit ang kaban ng palay na kailangan sunungin ko patawid sa pinitak ng bukid.

Ako rin po ay isang hustler at kilabot sa “touching” at kara-krus na kinatatakutan ng mga tricycle driver dahil uubusin ko ang kanilang mga kinikita.

Ang aming kahirapan ang syang nagbuklod sa aming magkakapatid upang maging malapit sa isat-isa hanggang sa ngayon. Kapag may mga pagkakataon na kami’y nagkakatipon-tipon, laging bumabalik sa aming alaala ang mga nakakatawang karanasan katulad ng kumain sa butas na pinggang-lata kaya malaking problema pag may sabaw na ang ulam.

May mga babae akong nagustuhan nung ako’y nag-aaral pa sa high school pero minsan ko lang pong ipinahiwatig ang aking nararamdaman. Tawagin na lang po natin sya sa pangalan na Ana. Sya ang kauna-unahang babae na nagpatibok ng aking puso. Ang sabi ko sa kanya, ako’y “stick to one” at “Kapuso”.

Pero si Ana pala ay “Kapamilya” katulad mo Ate Charo.

Sa kauna-unahang pagkakataon, dahil na rin sa taglay kong pangarap, kasipagan at kagalingang gumawa ng paraan, nag-akyat ako ng mga medalya sa aming tahanan. Gayunpaman, tandang-tanda ko pa ang aking mga luha ng muntik na akong hindi maka-akyat sa entablado ng araw ng aking pagtatapos sa High School dahil sa kawalan ng pambayad sa toga. Buti na lamang at sa huling sandali, may isa akong tyahin na nagmalasakit at tumulong upang pormal kong abutin ang aking diploma.

Sa pamamagitan ng “Study Now Pay Later Scholarship Program”, ako ang kauna-unahang nakapagtapos ng kolehiyo sa aming magkakapatid na nagdulot ng matinding kasiyahan sa aking ina ngunit mabigat naman na dalahin sa aking balikat dahil sa umaasa sila mai-aahon ko ang aming pamilya sa kahirapan at matubos ang lupa na tinatayuan ng aming bahay na pawid. Kapag umuulan kami’y walang masilungan dahil tumutulo kung saan-saan.

Ibinuhos ko ang aking sarili sa pag-aaral.

Ako’y handa muling umibig sa isang nag-ngangalang Sonya nung ako’y “graduating” ng college. Nagsimulang maging makulay ang aking daigdig Ate Charo, if you know what I mean! Wink wink! Nagkaroon lamang ng hadlang ang aming pag-iibigan ng ako’y mabigyan ng pagkakataon na maging OFW. Dahil na rin aking pangungulila kay Sonya, naluklok ako sa alak at sugal. Natuto akong gumamit ng bawal na gamot habang nasa kalagitnaan ng disyerto ng Saudi Arabia na muntik ng magpahamak sa aking kinabukasan. Ang karanasang iyon ang nagmulat sa aking kaisipan upang umiwas na sa masamang bisyo.

Bumalik ako sa Pilipinas pagkaraan ng dalawang taon upang magbakasyon at muling makita ng aking girlfriend. Sya’y nagsumamo na huwag na akong umalis muli at kami’y magpakasal na. Subalit ako’y umalis din ngunit iwan ang isang pangako na tatapusin ko lamang aking kontrata at ako’y babalik sa piling nya.

Ate Charo, kauna-unahang pagkakataon, hindi ko natupad ang aking pangako sa babaeng aking minamahal. Nanaig pa rin ang aking ambisyon at matinding responsibilidad sa aking magulang at mga kapatid na makaahon sa kahirapan bago ako mag-asawa.

Naging marupok din ang aking puso ng makilala ko si Fe, isang nurse, sa huling taon ko ng aking kontrata. Sa isang Valentine’s party ay sinungkit ko ang isang hugis-puso na nakabitin sa kisame at inalay kay Fe. Si Fe ang naging dahilan para tuluyang kong makalimot sa aking dating kasintahan na si Sonya. Natapos ang aking kontrata at ako’y muling bumalik sa Pilipinas na mabigat ang mga paa dahil iiwanan kong muli ang babaeng aking minamahal. Hindi ko akalain na sa muli naming pagkikita ni Fe, isang masakit na balita ang kanyang dala-dala.Umuwi sya ng Pilipinas upang magpaalam sa akin. Ang distansya ang naging lamat sa aming pag-iibigan.

Ang babaeng aking minamahal ay ikakasal na...pero sa iba!

Napakasakit Kuya Eddie! Ay mali, Ate Charo pala!

Kahit gusto kong pigilan si Fe sa kanyang pagpapakasal. Sinakal ko ang aking damdamin dahil na rin sa mataas kong pangarap na umunlad muna at huwag matulad sa aking mga kapatid na nag-asawa agad ng hindi natutupad ang kanilang mga pangarap. Hindi sapat ang aking kinita para magsimula ng sarili kong pamilya. Handa akong muli na isakripisyo ang aking puso at kaligayahan para sa aking magulang at mga kapatid. The politics of love, Ate Charo.

Pinilit kong limutin si Fe.

Hindi naging mahirap para sa akin na muling maglayag. Ilang buwan lamang ang nakalipas at ako’y nagpunta sa Tokyo upang magtrabaho. Ako’y muling napa-ibig ng isang babae. Si Monica ay isang “GRO” sa club na aking hang-out para maibsan ang aking kalungkutan. Bukod sa kanya, isang Haponesa ang aking naging “extra”. Cherry ang pangalan nya!

Sorry Ate Charo, talagang may kapilyuhan ako.

Pagkalipas ng dalawang taon sa piling ni Monica at Cherry, ako’y muling bumalik sa ating bayan at doon na lang namasukan. Sa pagsakay ko araw-araw sa “Love Bus” pagpasok sa opisina, nakilala ko si Rita at muli na naman napatibok ang aking pusod…err….puso pala. Kapwa kami nagpunta sa Amerika upang makipagsapalaran. Ang mga unang taon ko sa Amerika ay hindi naging isang madali. Kung ano-anong uri ng hanap-buhay ang aking pinasok. Ang pagiging TNT naming dalawa ang naging dahilan upang kami’y maging praktikal at isakripisyo ang aming mga puso. Gayunpaman, hindi kami nagsisi sa aming naging desisyon. Si Rita ay masaya at panatag ang kalooban sa kanyang pamilya, gayun din ako sa piling ng aking asawa at anak. Ang asawa ko ang naging dahilan para maging ligal ang katayuan ko sa Amerika at makahanap ng maayos na hanapbuhay.

Bawat taon, ako’y muling bumabalik sa aking pinagmulan upang alalahanin ang mga gunita ng aking pakikipagsapalaran kasama ang ngiting alaala ni Ana at ni Sonya at ni Fe, ni Monica, ni Rita, ni Cherry at marami pang iba na hindi ko na lang binanggit dahil lalo lamang hahaba ang aking kwento.

Alam nila kung sino-sino sila!

Napaka-swerte ko naman Ate Charo! Ang buhay ko ay nabigyan ng magandang pagkakataon upang umunlad, naging maayos at tama ang aking mga paghahanda, at may sapat na sipag at tyaga para marating ang aking kinaroroonan.

Sana ay kapulutan ito ng aral sa buhay. In life, all you need is an opportunity, good preparation, and hard work. But still, don’t forget to have fun.

Hanggang dito na lang Ate Charo at ako’y nagpapasalamat,
Jett

PS>> Ate Charo, maaring isipin mo ang aking kakisigan dahil na rin sa dami ng mga babae na nagdaan sa aking buhay. Isa lang ang hiling ko kung saka-sakaling mapili mong isadula ang aking kwento; si Piolo Pascual ang gusto kong gumanap sa aking katauhan dahil minsan ako’y nangarap na maging kamukha nya. Pwede na rin si Derek Ramsey. Hehehe.

12 comments:

Anonymous said...

Dear Jett,
Napakagnda ng iyong liham at ito'y bibigyan ko ng pansin na maisadula. Hayaan mo at sisikapin ko na makuha si Piolo na siyang gaganap sa iyong katauhan.
Ate Charo

lil said...

hahaha! ang galing!!!!!!!!

Susan said...

Hi Jett,
Congratulations in advance, di ko napigil basahin ang yong liham kahit nasa office ako, natawa ako sa kapilyuhan mo, nalungkot sa dinaanan mo na naka-relate ako ng husto, na excite sa lovelife mo at natawa uli na malakas ng si Papa P or Derek ang gusto mong gumanap, HANEP ka talaga sa diskarte, good one, stress reliever to.

papa P said...

hahaha! pwede talagang pang-MMK 'to ah! maganda ang script. sige payag ako na gampanan ang role mo jett. hindi na ako magpapabayad pero ang daming babae na kailangan. sino ba ang gusto mong gumanap sa kanila?

-papa P

jett said...

ate charo/papa P,

ok na sina bea alonzo, izza calzado, valerie concepcion, katya santos, iwa motto, angel locsin.

-- jett :-)

jaja jeje jiji jojo juju said...

alam ko na talaga ngayon---- wala ng duda-- ang mga nagpapanggap na babaero at talagana mas babae - PP?? ba ika mo? e mas babae pa yun sa akin e

Anonymous said...

Hello Jett

In your life, there will be so many times when you'll feel that the person you're with in a relationship is that special someone. But then things won't work out and you'll be left with a broken heart. But fret not, because only the heart that dares to dream and risk it all is the heart that eventually manages to find love.

Rain...

jett said...

Susan, buti naman at kahit papaano,napangiti ko ang umaga mo. My job is done! hehehhe

Rain, oh i love rain ;-)

Anonymous said...

love lost and love found...but there is no mention of the ONE that got away...


dom

Anonymous said...

pahabol.....


HELLO TO EVERYBODY !!!!!!


dom ulit

Anonymous said...

Ha meron pa bang isang nakawala, sino naman kaya yun at bakit? Ganun pa man kahanga hanga ang iyong galing sa.....diskarte sa buhay.

Ipasa mo naman ang iyong ibang kaalaman para gumaling din kaming lahat sa alam mo na....sa baba_likang alaala ng buhay na maginhawa, hehehe.

richard goma a.k.a. rubber bond

News said...

looking so good thanks